Skip to main content

Meron pa 'kong P200 sa bulsa

DALAWANG taon na'ng nakalipas nang masulat ko 'to. An'daling pihitin ng daloy at ligwak ng pangyayari para maging kuwento-- na maipapalimbag sa nalalabing lingguhang babasahin na naglalabas pa ng prosa-- walang 5,000 na ang national circulation nito-- at mababayaran ng P300 na kakaltasin ang 10%. Tumataginting na P270 ang sasalampak sa palad!

Maglilimi. Magtutuos.

P325 ang umiiral na pinakamababang arawang bayad sa karaniwang obrero't kawani sa Metro Manila. P280 ang national average daily minimum wage. Titimbangin at matamang sisipatin ang P270 at P280 saka uusal ng 'sangkatagang taimtim na dasal. Hindot!

MATAPOS tumanggap kamakalawa ng dalawang bulig mula pangkokolum, nahagilap agad ng aking unica hija-- nilambing ang aking bulsa. Pigtas ang sambulig nang salidahin ako sa aking tanggapan.

Nahagip din agad ng isa pang bata, 21 anyos rin tulad ng aking si Podying. Iisang petsa pa nga ang kanilang kaarawan-- Abril 15, 1982. Sa Quezon City Medical Center isinilang ang anak; nakatutok ang obstetrician-gynecologist; nakasubaybay ang pediatrician. Lumaki sa isang subdivision sa Camarin, Caloocan City. Batang lunsod. College graduate. Career girl. Sapul pagkabata, marami na siyang matinong tunguhin at pagpipilian sa buhay.

Sa kapangalan din ng anak na pumigtas ng nalabing bulig, hilot lang ang nagpaanak. Lumaki naman siya sa isang himbing na nayon sa Talisay, Daet-- hindi ko alam kung Norte o Sur ng Camarines pero katiyap pa rin ang lunan bilang imbakan, camarin. Wala halos mapipiling tatahakin sa kanyang buhay. Ni hindi nakatapos ng high school. Nag-istokwa ang bata. Nabuntis. May pasusuhing anak na ipinapamigay sa Mangkokolum.

Kahit paano'y naaasikaso pa ang ilang pananim sa lata ng gatas-- isang baliteng pula, tatlong kamatsile, dalawang kasoy, baston de san jose, pako, mayana't kawayang hapon. Mas madaling kausapin at diligin ng kalinga ang halaman. Suko na ako sa pag-aalaga ng bata.

Tawasin man kahit sandaang ulit, hanggang pag-aalaga na lang ng halaman, aso't pusa at microbial colony (Masarap ang bawal: Bacillus anthracis!) ang kakayanin. Ipag-adya po sana ako sa matinong pag-aalaga't pagpapalaki ng musmos-- na maituturing na pinaka sa lahat ng profession. Pinakamagastos sa pera. Pati sa panahon. 'Yung santambak na quantity time at sangkatutak na quality time para mahubog ang musmos sa wastong gawi at matinong ugali.

Sinuklian ng kontra-alok ang ipamimigay na sanggol. Sabi ko'y ibabalik ko na lang silang mag-ina sa Daet. Kahit na hikahos ang buhay sa lalawigan, tiyak na hindi naman sasablay sa pagkain-- kahit saba, balinghoy, mais, tugi o kamote na maitatanim sa tabi-tabi. Pawang mas masustansiya kaysa kanin o instant mami.

Naidagdag na hindi mainam na lumaki ang sanggol sa siksikang lunsod. Karima-rimarim ang nasalaulang hangin ('yung ambient air quality) na papasok sa baga ng musmos. Sa halip na maging kulay murang rosas ang baga ng paslit, magiging kasing-itim ng budhi ng Ale Baba and Plenty Thieves sa Malacañang. Tatamaan tiyak ng primary pulmonary tuberculosis complex-- na nauuwi sa tisis kapag hindi naagapan ng masustansiyang pagkain at tutok-pediatrician.

Tangay din ng hangin saanmang lasangan ng lunsod ang santambak na heavy metals. Tiyak na masasagap ng sanggol, sasalin sa dugo, diretso sa mga himaymay ng utak. Nakakabobo't nakakapinsala sa katinuan ang ganoon. 'Kako'y mahirap nang matulad ang wala pang muwang bata sa ikid ng batok ng isang Bayani Fernando.

Nasumpungan ako kahapon ng bata. Limang araw daw siyang nakulong sa Western Police District. Vagrancy. Hindi naman daw siya ginalaw sa loob. Sabi ko'y matino naman talaga ang mga pulis.

Inulit ko ang alok na ihahatid silang mag-ina sa Daet. Pumayag naman ang bata. Sa Sabado 'kako. Ikawalo ng umaga-- nakatapos na 'kong maglaro ng qigong sa ganoong oras. Sa National Press Club magkikita. Tutuloy sa terminal ng mga biyaheng Bikol, para maibalik siya -- at ang ipapamigay na supling -- sa kanyang lupaing sinilangan. Kukupkupin siya doon.

Meron pa 'kong P200 sa bulsa. Kailangan ng dagdag na tatlong bulig na pasahe't pabaon sa mag-ina.

Bahala na ang Panginoon.

Kalingain nawa sa kamay ng Dakilang Lumikha ang bawat sikap at atikha!

Comments

Popular posts from this blog

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...

Kuntaw

I T was more than an implement—tough as metal, soft as petal—wielded like lightning to repulse conquerors. Invading Mactan in 1521, Ferdinand Magellan and his men must have thought that their fabled Toledo steel swords would be more than a match more the island’s native defenders—they were dead wrong. The Spaniards never knew what hit them. In the 1900s, American occupation forces in Mindanao particularly in the Sulu islands found themselves under constant harassment from what they called “crazy hermits” or juramentados . The native fighters would fast for days, go through special religious rites, then go forth to storm American garrisons. Even as the .445 caliber pistol was plied out in 1911 to stop seemingly unstoppable fighters, the Americans still never knew what hit them. Looking back with pride at such points in history when their fighting mettle was unleashed in battle, Filipino Muslims, especially the Tausugs of Sulu will, with a little nudge and tug at their patriotic sentimen...

LARAWANG KAPILAS-PUSO (Dulang Kyogen sa Pag-ibig at mga Musmos)

Mga Tauhan: Gombei, ang maghahabi Mariko, ang mananahi-mananandata, kabiyak ni Gombei Daimyo, ang panginoon ng kastilyo Mga Kanayon ni Gombei – pintor, panadero, magbubukid, tindera, atbp. Tatlong Paslit Tatlong Alalay ng Daimyo Dalawang Korombo bilang mga Diwata/Apsara sa Hangin Ilang Kataga sa Pagtatanghal at Tanghalan: Halaw sa isang kuwentong katutubo mula Japan ang akda. Isinalin sa anyong kyogen – dulang katatawanan, mula rin sa naturang bansa. Inangkin sa puso at binigyan ng mga sangkap na Pilipino. Karaniwang sangkap sa kyogen ang kunwa’y di-nakikitang korombo, nakasuot ng itim at madalas na tagapag-abot ng mga kagamitan sa mga tauhang nasa tanghalan. Sa dulang ito, sagisag sa ihip ng hangin at pihit ng kapalaran ang dalawang korombo. Liban sa istruktura na anyong balkonahe sa kanan ng tanghalan at mala-balangkas ng dampa sa kaliwang panig, sayad sa lupa at hitik sa posibilidad ang pagiging payak sa kabuuan ng tanghalan. Sa ganitong kapayakan nakaka...