Skip to main content

Sa puyo ng iglap na alimpuyo

TATLO nang balita ng kamatayan sa ilog at kauring daluyan ng tubig ang nasadsaran ng tingin nitong nagdaang dalawang buwan. Tiyak na may mga kasunod pang balita sa mga susunod na buwan. Maisasalpak sa Journal Online.

Sa tibagan sa ilog ng Biak na Bato, San Miguel de Mayumo sa Bulakan—siyam ang nalunod na mga paslit. Hindi matiyak ang dahilan kung paano sabayang nalunod ang ganoon kadami. Mapapapalatak.

Ganoon ding bilang ang nalunod sa isa pang balita—mga Boy Scouts nasawi sa isang bayang pampangin sa Pangasinan.

Sa pinakahuling ulat: natagpuan ang naaagnas nang bangkay ng isang Prana Escalante sa isang ilog sa Bundok Halcon ng Mindoro. Talaksan ang naiwang galos sa hubad na katawan. Naligo marahil. Sinakmal ng iglap na ragasa ng baha. Tiyak na humampas sa mga matalim na batuhan.

Sa ganoon ding paraan nasawi ang anak ng kaibigang pintor sa paanan ng Bundok Apo sa Davao—tila layak na itinalyang ang katawan sa kisap-matang halihaw ng iglap na baha sa binabaybay na ilog. Lasog ang katawan nang matagpuan.

Hindi kaya nila pinansin o naulinig ang mga babala ng ilog sa bundok?

Oo, nagbibigay ng babala’t hudyat ang ilog at kauring daluyan ng tubig bago maganap ang iglap na paghalihaw ng dambuhalang agos-baha. Kailangan lang na buksan ang pandama. Ipukol na tila lambat. Sagapin at yakapin sa ubod ng dibdib bawat hikbi at hibik ng paligid. Hindot: hindi ito pagtula. Ito’y pagtudla.

Nagiging masasal, tila hintakot na nangangatal ang daloy ng agos. Liligwak-ligwak na tila umaapaw nang tapayan o palayok ang gilid ng ilog. May madaramang kakatwa, paanas na ungol-dagundong mula kailaliman ng tubig. (Parang alulong-aso ni Eddie Vedder ng Pearl Jam.) Nangungusap. Nakikiusap. Matalim na pandama ang makakaulinig sa mabangis na lambing ng ilog.

May nalalabing 8-10 segundo para humaginit na tila kidlat—walang lingon-likod na takbong paakyat sa mataas na lugar.

Banayad na kalabit sa pandama ang mga naturang palatandaan at babala. Kapag hindi inalintana, tila basahan na buong dahas na iwawasiwas, tila munting tangkay na ihahalihaw at gugutayin sa batuhan ang masasagasa ng iglap na baha.

Karaniwang sa pinakahulo, sa mga pinag-ugatang batis at bukal nabubuo ang iglap na baha—bunga ng tinatawag na pulo-pulo o kalat-kalat na ulan, ibinuhos na samburol, mumunting bundok na tubig sa dakong tuktok ng bundok… habang karaniwang aliwalas, nakangiti nang magiliw sa dakong paanan ng bundok na dinadaanan ng ilog.

(Ah, “kapag isinalubong ay ngiting magiliw, pakaasahan mo’t kaaway na lihim.”)

Sa paghupa ng ganoong iglap na sulak ng sungit, may maiiwang alay na biyaya—mga natulingag na isda. Mahahango’t mailuluto. Laman-tiyan.

Hindi lang laman-tiyan ang masusumpungan sa kabundukan. May laman-diwa din.

Teka muna. Ah, muna-- mouna ang tawag ng mga katutubo sa bundok nila sa Hawaii—naroon ang mga Mouna Loa, Mouna Kea. Mga himbing na bulkan.

Isa ring matimping paraan ng pagpanday ng pagkatao, pagsasalin sa sarili ng mga kakatwang katangian ng bundok ang “mouna.” Mula ito sa paniniwala ng dharmadhyana—dito nagmula ang tinatawag na Zen. Karaniwang mga limang oras o higit pang taimtim na pagsuong ng diwa at kaluluwa sa liblib na dibdib ng katahimikan. Naghihilom, mapanlunas na katahimikan.

May kung ilang taon ko na ring nabibitbit pabundok ang apat kong anak. Mouna ang talagang pakay ng bawat akyat-bundok.

Kahit may nagkakanlong na dahas at bangis na matutuklasan, masasaksihan sa bawat pagsuong at pagsuso sa tigmak sa gatas at gata na dibdib niyon.

Comments

Anino said…
Sobrang lalim ng Tagalog mo.Dumudugo ang ilong ko.ANg galing mo!

Popular posts from this blog

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...

Kuntaw

I T was more than an implement—tough as metal, soft as petal—wielded like lightning to repulse conquerors. Invading Mactan in 1521, Ferdinand Magellan and his men must have thought that their fabled Toledo steel swords would be more than a match more the island’s native defenders—they were dead wrong. The Spaniards never knew what hit them. In the 1900s, American occupation forces in Mindanao particularly in the Sulu islands found themselves under constant harassment from what they called “crazy hermits” or juramentados . The native fighters would fast for days, go through special religious rites, then go forth to storm American garrisons. Even as the .445 caliber pistol was plied out in 1911 to stop seemingly unstoppable fighters, the Americans still never knew what hit them. Looking back with pride at such points in history when their fighting mettle was unleashed in battle, Filipino Muslims, especially the Tausugs of Sulu will, with a little nudge and tug at their patriotic sentimen...

LARAWANG KAPILAS-PUSO (Dulang Kyogen sa Pag-ibig at mga Musmos)

Mga Tauhan: Gombei, ang maghahabi Mariko, ang mananahi-mananandata, kabiyak ni Gombei Daimyo, ang panginoon ng kastilyo Mga Kanayon ni Gombei – pintor, panadero, magbubukid, tindera, atbp. Tatlong Paslit Tatlong Alalay ng Daimyo Dalawang Korombo bilang mga Diwata/Apsara sa Hangin Ilang Kataga sa Pagtatanghal at Tanghalan: Halaw sa isang kuwentong katutubo mula Japan ang akda. Isinalin sa anyong kyogen – dulang katatawanan, mula rin sa naturang bansa. Inangkin sa puso at binigyan ng mga sangkap na Pilipino. Karaniwang sangkap sa kyogen ang kunwa’y di-nakikitang korombo, nakasuot ng itim at madalas na tagapag-abot ng mga kagamitan sa mga tauhang nasa tanghalan. Sa dulang ito, sagisag sa ihip ng hangin at pihit ng kapalaran ang dalawang korombo. Liban sa istruktura na anyong balkonahe sa kanan ng tanghalan at mala-balangkas ng dampa sa kaliwang panig, sayad sa lupa at hitik sa posibilidad ang pagiging payak sa kabuuan ng tanghalan. Sa ganitong kapayakan nakaka...