Skip to main content

Barok sa English, barukbok sa Filipino

“A low 0.002 percent of senior high school students had mastery of Filipino.”
--Department of Education

PAYAK na pamantayan ang inilapat namin. Para sa mga lahok sa isang pambansang timpalak-panitik nitong nakaraang taon. Basta matino lang ang pagbuo ng pangungusap. Ganoon lang.

Hindi na naghangad na biglang masambilat sa bayag o kipay, mahagod na malamyos o malamutak sa dibdib. O biglang makaldag sa sikmura. Kahit makiliti sa singit o makalaykay-halukay ang likaw ng isaw o iglap na matahip ang isip. Walang nasumpungang ganoong pamamaraan..

Panay sablay. Pulos nagkahindot-hindot. Talagang hilahod bawat lumahok sa pagbuo ng tumpak na pangungusap.

Mahirap paniwalaan pero totoo ang masisipat sa bawat natunghayang kuwento: barukbok sa English, busalsal naman sa Pilipino. Paano sila makapagsisiwalat ng kuwenta sa kuwento?

Kapansin-pansin na pinulot ng mga lahok ang diskarte sa pananalita mula radio. May mga ginagad mula telebisyon. Gumaya rin sa tabloid. Pero pulos pilantod at lumpong paraan sa pangungusap ang tinularan. Karima-rimarim na pagsusulat ang kinalabasan sa paraang monkey-see, monkey-do.

Takbo at ikid ng isipan ang ipinagkakanulo, ibubunyag sa pangungusap. Madaling matukoy na binuo muna sa English-Tagalog ang pangungusap. Saka ibinisaklat sa Pilipino. An’sakit sapulin kung ano ang talagang nais sabihin.

Naglipana sa pagsasaad pati matatawag na mga kakatwang kataga na sapilitang isinalin sa Pilipino mula English. Pidgin coinage o putok-sa-buho nang mailuwal. Sa madaling sabi, bastardo. Anak sa labas—ectopic pregnancy kaya hindi nabuo sa mismong sinapupunan. Nailuwal man, ituturing ng komadrona o obstetrician-gynecologist na monster, freak.

Partikular. Kung saan. Presensiya. Solusyonan. Komento. Polisiya…Kinarir. Taklesa. Mamamahayag? (An’dami nang bastardo niyan. Wala akong balak ampunin ang mga ganyan sa paghubog at pagbuo ng pangungusap.)

Saliwang gamit ng "siyang," “nang,” at “ng.”

Nakaugat sa latag ng lupain, sa pinagdaanang karanasan, sa mga taglay na kakayahan na ipinamumuhay ang pagyabong ng wika. Tukuyin nating halimbawa: sa mga paanan at tuktok ng bulubunduking Pyrenees at Alps nagpalit-anyo at nag-iba ng gayak ang Latin. Naging Spanish, French, Italian—bawat isa ay may itatangi na angking kaluluwa at pananaw sa umiiral na panahon at pamumuhay.

Tutukoy at magbabangon ng maraming kataga ang kalikasan. Sabi nga, laging kagampan ang Inang Kalikasan—lagi’t laging may isisilang na malalapatan ng katagang pangalan. Magbabangon ng maraming kataga ang pagsalunga sa iba’t ibang karanasan. May magpupumiglas at huhulagpos na mga kataga sa paglalapat ng kakayahan at kaalaman sa anumang gawain. Napakaraming isisiwalat na mga salita sa makulay na pamumuhay.

Lulusog ang wika. Tila dambuhalang ukab ng lupain na mapupuspos, mapupuno sa tuloy-tuloy na daloy ng tubig mula sa iba’t ibang pinagmulan—sa kalikasan, sa karanasan, sa pamumuhay, sa paglalapat-kamay ng kakayahan at kaalaman. Sarap maglunoy sa ganoon. Magtampisaw. Maghumiyaw. Maglublob-laro.

Hindi naman nakalublob sa kumunoy ang wika. Umuusbong ang mga kataga. Napipigtal na tila dahon sa usad ng panahon. Pero may mga nananatili, Naiiwan. Muli’t muling nailalahok na tila mga pangunahing sangkap sa lutuin—at magiging masustansiyang pagkain na inihahain sa mga paglalahad, sa pagsasaad, sa pangungusap. Isang piging, isang pista na may saganang handaan ang pagbunton ng mga pangungusap.

Huwag naman kaming gutumin. Ni ituring na kami’y timawa. O patay-gutom na lalablab sa kahit ulbuan ng baboy.

Naipasya namin na huwag magbigay ng anumang gantimpala ni gantimpagal o gantimpagod sa naturang timpalak. Naging parusa’t penitensiya kasi ang pagbasa sa mga lahok.

Nakakapika. Masasabi na ‘malalim’ na ang ganitong paglalahad. Malulunod na ang magtatangkang lumublob dito. Hindi na mauunawa ng karaniwang mambabasa’t mamboboso. Antigo na raw ang ganitong paraan sa paglalahad. Hindi na aangkop sa umiiral na kasalukuyang panahon.

Higit na kulimlim marahil kaysa pusikit na karimlan sa hinaharap-sarap nina Angel Locsin, Diana Zubiri at Francine Prieto ang nagbabantang sungit ng panahon.

Natukoy ng Department of Education batay sa mga pagsusulit sa mga mag-aaral sa huling taon ng mataas na paaralan: 2 bawat 1,000 lang ang may gagap sa Filipino.

Nagkahindot-hindot na talaga. Nauunawaan pa kaya ngayon ang mga nasulat na ito?

Comments

Popular posts from this blog

Every single cell of my body's happy

I got this one from Carmelite Sisters from whose school three of my kids were graduated from. They have this snatch of a song that packs a fusion metal and liebeslaud beat and whose lyrics go like this: "Every single cell of my body is happy. Every single cell of my body is well. I thank you, Lord. I feel so good. Every single cell of my body is well." Biology-sharp nerds would readily agree with me in this digression... Over their lifetimes, cells are assaulted by a host of biological insults and injuries. The cells go through such ordeals as infection, trauma, extremes of temperature, exposure to toxins in the environment, and damage from metabolic processes-- this last item is often self-inflicted and includes a merry motley medley of smoking a deck a day of Philip Morris menthols, drinking currant-flavored vodka or suds, overindulgence in red meat or the choicest fat-marbled cuts of poultry and such carcass. When the damage gets to a certain point, cells self-de

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina

Cal y canto con camote

FENG shui (literally, wind water flow) lore has it root crops embody a hidden store of treasures. Say, a local food conglomerate needs yearly 35,000 metric tons of cassava for livestock feed-- the available local supply falls short of 13,000 tons. Cassava granules sell for around P9 a kilo. Demand for the same root crop to be used in liquor manufacturing is hitting above the roof. Why, raising cassava is a no-brainer task— this is one tough crop that can grow in the most hostile patches of earth, providing sustenance for ages to dwellers in sub-Saharan parts of Africa. While the hardy cassava is nearly pure starch, the lowly sweet potato or kamote is considered by nutritionists as a super food, the most nutritious of all vegetables— kamote levels of Vitamin A are “off the charts, rich in antioxidants and anti-inflammatory properties.” A fist-sized kamote can supply a day’s dose of glucose to fuel the brain, muscles, and organs, so they claim. Count the country lucky